Eala pasok sa Miami Open quarterfinals

MANILA, Philippines — Tuloy ang Cinderella run ni Alex Eala matapos umusad sa quarterfinals ng Miami Open kahapon sa Miami, Florida.
Sinuwerte ang 19-anyos Pinay netter matapos mag-withdraw sa Round-of-16 si Paula Badosa ng Spain dahil sa iniinda nitong lower back injury.
Kaya naman, walang kahirap-hirap na nakapasok sa Last 8 si Eala — ang pinaka-unahang Pinoy player na nakahirit ng tiket sa quarterfinals ng isang major tennis event.
“Not the way I would want to move to my first WTA1000 quarterfinals. I wish Paula a speedy recovery. Looking forward to my match on Wednesday,” ani Eala sa kanyang post sa social media.
Sunod na makakasagupa ni Eala si Grand Slam champion at world No. 2 Iga Swiatek ng Poland na nanaig kay Elina Svitolina ng Ukraine, 7-6 (7/5) 6-3.
Una nang pinatalsik ni Eala si reigning Australian Open champion Madison Keys ng Amerika sa Round-of-32 at dating French Open titlist Jelena Ostapenko ng Latvia sa Round-of-64.
“It’s crazy to think that I made my main draw debut here in 2021 and now I’m into the quarterfinals. It’s such a full circle moment and I hope you guys can all support and come along on the journey,” ani Eala.
Sa pagpasok ni Eala sa quarterfinals, nakasisiguro na ito ng $189,075 o mahigit P10 milyon.
Mabibiyayaan din ito ng 215 puntos sa Women’s Tennis Association (WTA) rankings.
Kung aabante si Eala sa semis, lolobo pa ang kikitain nito dahil makatatanggap ito ng $332,160 o P19 milyon kasama ang 390 world ranking points.
- Latest