Porzingis, Tatum bumida sa Celtics

SALT LAKE CITY — Bumira si center Kristaps Porzingis ng 27 points at nagdagdag ng 26 markers si Jayson Tatum para gabayan ang nagdedepensang Boston Celtics sa 121-99 dominasyon sa Utah Jazz.
Nagdagdag si Porzingis ng 10 rebounds at 6 assists, habang tumipa si Tatum ng 6 boards, 6 assists at 3 steals para sa ikaapat na sunod na arangkada ng Celtics (51-19) at pang-siyam sa huling 10 laban.
Pinamunuan ni Collin Sexton ang Jazz (16-55) sa kanyang 30 points at may 19 markers si Keyonte George.
Bagsak ang Utah sa pang-pitong kabiguan sa huling walo nilang asignatura.
Mula sa 18-35 pagkakabaon sa first period ay nakabangon ang Jazz sa third quarter para makadikit sa 69-71 bago kumonekta si Tatum ng isang rthree-point shot para sindihan ang isang 13-0 bomba at muling ilayo ang Celtics sa final canto patungo sa panalo.
Sa Oklahoma City, nagpaputok si Shai Gilgeous-Alexander ng 30 points sa 141-106 paggiba ng Thunder (58-12) sa Charlotte Hornets (18-52).
Sa Minneapolis, kumolekta si Julius Randle ng 20 points sa 134-93 pagpulutan ng Minnesota Timberwolves (41-31) sa New Orleans Pelicans (19-52).
Sa Phoenix, nagsunog si Kevin Durant ng 42 points sa 123-112 pagtusta ng Suns (34-37) sa bumabagsak na Cleveland Cavaliers (56-14).
Sa California, nagtala si James Harden ng 30 points at humakot si Kawhi Leonard ng 23 points at 10 rebounds sa 128-108 paggupo ng Los Angeles Clippers (40-30) sa Memphis Grizzlies (43-28).
- Latest