Best Import, BPC malalaman ngayon
MANILA, Philippines — Malalaman ngayong gabi kung sino ang tatanghaling Best Player of the Conference at Best Import ng Season 49 PBA Commissioner’s Cup.
Nakatakda ang awarding bago ang Game Four ng title series ng TNT Tropang Giga at Barangay Ginebra sa Ynares Center sa Antipolo City.
Sinasabing si Arvin Tolentino ng NorthPort ang kokoronahan bilang BPC winner sa kanyang 36.3 statistical points para sa third spot matapos ang semifinal round.
Nanguna si eight-time PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo ng San Miguel sa inilistang 42.0 SPs kasunod sina NLEX star guard Robert Bolick (37.3 SPs), Jordan Heading (32.6 SPs) ng Converge at Calvin Oftana (31.9 SPs) ng TNT.
Ngunit kaagad nasibak ang Beermen, Road Warriors at FiberXers sa playoffs kaya lumakas ang tsansa ni Tolentino na makopo ang kauna-unahan niyang BPC trophy.
Samantala, paborito ring makuha ni Rondae Hollis-Jefferson ng TNT ang Best Import award sa kanyang 52.7 SPs kasunod sina Justin Brownlee (43.5 SPs) ng Ginebra at Kadeem Jack (49.8 SPs) ng NorthPort.
- Latest