Curry-less Warriors wagi sa Bucks

Iniskoran ni Warriors forward Jimmy Butler si Bucks center Brook Lopez.
STAR/File

SAN FRANCISCO — Nagkadena si Jimmy Butler ng 24 points, 10 assists at 8 rebounds sa 104-93 panalo ng Golden State Warriors sa Milwaukee Bucks bagama’t hindi nag­laro si Stephen Curry.

Ipinahinga ni coach Steve Kerr si Curry na kamakailan ay hinirang na unang player sa NBA history na nagsalpak ng 4,000 three-pointers.

Nagdagdag si Brandin Podziemski ng 17 points at 7 rebounds habang may 15 markers at 6 boards si Buddy Hield para sa Warriors (40-29).

Sa huling 13 games sa regular season, nanatili sila sa No. 6 spot sa Western Conference.

Kumonekta si Kyle Kuzma ng limang triples at tumapos na may 22 points sa panig ng Bucks (38-30) na nakahugot kina Giannis Antetokounmpo, Damian Lillard at Brook Lopez ng 20 at tig-16 markers, ayon sa pagkakasunod.

Isinuko ng Golden State ang double-digit lead sa Milwaukee bago umiskor ng 26 points sa fourth quarter para kunin ang panalo.

Sa Boston, naglista si Baylor Scheierman ng career-high 20 points at kumolekta si Kristaps Por­zingis ng 25 points at 13 rebounds sa 104-96 paggupo ng Celtics (50-19) sa Brooklyn Nets (23-46).

Sa California, nagbagsak si Kawhi Leonard ng 33 points sa 132-119 paglunod ng Los Angeles Clippers (39-30) sa East-leading Cleveland Cavaliers.

Sa Charlotte, umiskor si Trae Young ng 31 points habang tumipa si Dyson Daniels ng 22 points, 7 rebounds at 7 assists sa 134-102 pagdagit ng Atlanta Hawks (33-36) sa Hornets (17-51).

Show comments