Curry-less Warriors wagi sa Bucks

SAN FRANCISCO — Nagkadena si Jimmy Butler ng 24 points, 10 assists at 8 rebounds sa 104-93 panalo ng Golden State Warriors sa Milwaukee Bucks bagama’t hindi naglaro si Stephen Curry.
Ipinahinga ni coach Steve Kerr si Curry na kamakailan ay hinirang na unang player sa NBA history na nagsalpak ng 4,000 three-pointers.
Nagdagdag si Brandin Podziemski ng 17 points at 7 rebounds habang may 15 markers at 6 boards si Buddy Hield para sa Warriors (40-29).
Sa huling 13 games sa regular season, nanatili sila sa No. 6 spot sa Western Conference.
Kumonekta si Kyle Kuzma ng limang triples at tumapos na may 22 points sa panig ng Bucks (38-30) na nakahugot kina Giannis Antetokounmpo, Damian Lillard at Brook Lopez ng 20 at tig-16 markers, ayon sa pagkakasunod.
Isinuko ng Golden State ang double-digit lead sa Milwaukee bago umiskor ng 26 points sa fourth quarter para kunin ang panalo.
Sa Boston, naglista si Baylor Scheierman ng career-high 20 points at kumolekta si Kristaps Porzingis ng 25 points at 13 rebounds sa 104-96 paggupo ng Celtics (50-19) sa Brooklyn Nets (23-46).
Sa California, nagbagsak si Kawhi Leonard ng 33 points sa 132-119 paglunod ng Los Angeles Clippers (39-30) sa East-leading Cleveland Cavaliers.
Sa Charlotte, umiskor si Trae Young ng 31 points habang tumipa si Dyson Daniels ng 22 points, 7 rebounds at 7 assists sa 134-102 pagdagit ng Atlanta Hawks (33-36) sa Hornets (17-51).
- Latest