PLDT pupuwersa ng game 3 sa Choco Mucho

MANILA, Philippines — Walang nasa isip ang PLDT kundi ang makaganti sa Choco Mucho para makapuwersa ng Game Three sa kanilang quarterfinals series sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Isinuko ng High Speed Hitters ang Game One, 25-20, 25-19, 15-25, 20-25, 16-18, sa best-of-three showdown nila ng Flying Titans.
“I think it’s the same story — as much as I hate to say it,” ani Fil-Canadian Savi Davison sa pagsagupa ng PLDT sa Choco Mucho. “We just need a little bit of help. So hopefully, in the next game, more people show up and put some points on the board.”
Magtutuos ang High Speed Hitters at Flying Titans ngayong alas-4 ng hapon sa Game Two kasunod ang banatan ng Akari Chargers at Galeries Tower Highrisers sa alas-6:30 ng gabi sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Makakatulong ni Davison sa PLDT sina Erika Santos, Fiola Ceballos, Majoy Baron at Angge Alcantara kontra kina Sisi Rondina, Dindin Manabat, Royse Tubino, Isa Molde, Mars Alba, Dell Palomata at Cherry Nunag ng Choco Mucho.
“Alam namin minsan, dehado kami. Pero nandoon pa rin ‘yung composure and adjustment na ginagawa namin pagdating sa laro. Lalo na kapag pitpitan talaga. Wala lang talagang tumitigil hangga’t hindi pa tapos,” ani Rondina.
Ang pagwalis sa kanilang serye ang hangad naman ng Akari laban sa Galeries Tower matapos kunin ang Game One, 21-25, 25-19, 20-25, 25-16, 15-11.
Sa nasabing panalo ng Chargers ay humataw si Ivy Lacsina na pumalo ng 28 points mula sa 22 attacks at anim na kill blocks kontra sa Highrisers.
May 1-0 lead din ang nagdedepensang Creamline at ZUS Coffee sa kanilang mga quarterfinals series.
- Latest