Nambatac inakay ang TNT sa 2-1 lead

MANILA, Philippines — Hindi si import Rondae Hollis-Jefferson ang sinandalan ng TNT Tropang Giga sa dulo ng laro kundi si Rey Nambatac.
Isinalpak ni Nambatac ang krusyal na three-point shot habang umiskor ng fastbreak basket si Glenn Khobuntin sa huling 14.4 segundo ng fourth quarter sa 87-85 pagtakas ng Tropang Giga sa Ginebra Gin Kings sa Game Three ng Season 49 PBA Commissioner’s Cup Finals kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Tumapos si Nambatac na may 24 points tampok ang limang triples para sa 2-1 lead ng TNT sa kanilang best-of-seven championship series ng Ginebra.
“Kailangan importante iyong decision-making ko sa loob, lalo na wala si kuya Jayson (Castro),” ani Nambatac. “Sinusunod ko lang iyong game plan ni coach (Chot Reyes) at importante iyong tiwala ng mga teammates ko.”
Humakot si Hollis-Jefferson ng 20 markers, 11 rebounds at 8 assists para sa Tropang Giga habang may 16 a 10 points sina Calvin Oftana at Khobuntin, ayon sa pagkakasunod.
Nagkaroon si Gin Kings import Justin Brownlee ng dislocated right thumb matapos mag-dive para sa bola sa anim na minuto pa sa third period at hindi na nakabalik sa laro.
Sa kabila nito ay nakuha pa rin ng Ginebra ang 82-80 abante sa huling 2:07 minuto ng fourth period mula sa free throw ni Scottie Thompson.
Matapos ang basket ni Hollis-Jefferson ay nagsalpak si Nambatac ng tres para sa 85-82 bentahe ng TNT sa natitirang 30.1 segundo.
- Latest