38 points ni Nitura sapaw sa UP

MANILA, Philippines — Napalaban ng todo ang University of the Philippines bago nasungkit ang 25-15, 15-25, 24-26, 25-22, 15-10, panalo kontra Adamson University sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament na nilaro sa Smart Araneta Coliseum, kahapon.
Nagtulungan sa opensa sina Nina Ytang at Irah Anika Jaboneta upang akbayan ang Lady Maroons na kalsuhan ang four-game losing streak at ilista ang 3-4 karta.
Maliban sa pagsolo ng No. 5 spot sa team standings ay sinalto rin ng Lady Maroons ang record-breaking performance ng super rookie ng Adamson na si Shaina Marie Nitura.
Tumikada si Nitura ng bagong UAAP record na 38 points.
“Siguro given na ‘yun si Nitura possible talaga can score that many points, even more pa depende sa close ng laro pero with UP, tulung-tulong talaga kasi ‘yun ‘yung binabantayan namin sa kanila, kapag may nawawala doon sa plano, binabalik lang namin sila kasi we need to work as a group talaga,” ani UP head coach Benson Bocboc.
Maagang ipinaramdam ng Lady Maroons ang kanilang lakas matapos nilang dominahin ang Lady Falcons sa first set, 25-15
Subalit bumangon agad ang Adamson upang ilipad ang sets 2 at 3 at mamuro sa pagsilo ng panalo.
Nakahirit naman ang Lady Maroons ng deciding fifth set matapos nilang angkinin ang panalo sa fourth set.
Naging matatag ang UP sa set 5 kaya nasilo ang matamis na panalo.
- Latest