PVL teams masusubukan sa AVC Champions League

MANILA, Philippines — Mapapalaban ang tatlong PVL teams sa kani-kanyang grupo sa 2025 AVC Women’s Champions League na gaganapin sa Abril 20 hanggang 27 sa Philsports Arena sa Pasig City.
Isinagawa kahapon ang drawing of lots upang matukoy ang mga teams na magkakasama sa group stage ng weeklong tournament.
Nangunguna na sa listahan ang 10-time PVL champion Creamline na nasa Pool A kasama ang Zhetysu VC ng Kazakhstan at Al Naser Club ng Jordan.
Nasa Pool B naman ang Petro Gazz kung saan makakaharap nito ang Taipower ng Chinese-Taipei at Hip Hing Women’s Volleyball Team ng Hong Kong.
Daraan naman sa matinding pagsubok ang PLDT dahil makakalaban nito sa Pool D ang powerhouse Nakhon Ratchasima QminC ng Thailand at Queensland Pirates ng Australia.
Binubuo naman ang Pool C ng BAIC Motor Volleyball Club ng China, VTV Binh Dien Long An ng Vietnam at Iran volleyball squad.
Ang dalawang mangungunang koponan sa bawat grupo ay papasok sa knockout stage. Ang torneo ay magsisilbing qualifying event para sa prestihiyosong 2025 FIVB Women’s Club World Championship na gaganapin sa Agosto 22 hanggang Setyembre 7 sa magkakahiwalay na venues sa Thailand.
Wala pang isinisiwalat na imports ang mga PVL teams.
Sa men’s division, sasabak ang Alas Pilipinas men’s national team sa 2025 AVC Men’s Champions League na gaganapin naman sa Japan.
Nasa Pool B ang Alas Pilipinas kasama ang Al-Rayyan Sports Club ng Qatar at Osaka Bluteon ng Japan.
- Latest