MANILA, Philippines — Ang pormal na pag-upo sa No. 3 spot sa knockout phase ang target ng Cignal HD sa pagsagupa sa Akari sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Nakatakda ang salpukan ng HD Spikers at Chargers ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang duwelo ng Farm Fresh Foxies at Capital1 Solar Spikers sa alas-6:30 ng gabi sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Tabla sa top spot ang nagdedepensang Creamline at Petro Gazz sa magkapareho nilang 9-1 kartada sa itaas ng Cignal (7-3), PLDT (7-3), Choco Mucho (7-3), Akari (5-5), Chery Tiggo (5-5), ZUS Coffee (4-6), Farm Fresh (4-6), Galeries (1-9), Nxled (1-9) at Capital 1 (1-9).
Sa tournament format ay walang tropang mapapatalsik kung saan lalabanan ng mga top teams ang mga lower ranked squads sa knockout phase.
Ang mga mananalo ay sasampa sa best-of-three quarterfinals series habang paglalabanan ng mga matatalong koponan ang huling dalawang tiket sa isang play-in tournament.
“Iyong mindset namin sa last game is we need to get that win para advantage rin namin ‘yun for the placing sa preliminaries,” ani HD Spikers’ rookie Ishie Lalongisip.
Muling makakatuwang ni Lalongisip sina Vanie Gandler, Jacqueline Acuña, Roselyn Doria-Aquino at ace setter Gel Cayuna.
Nagmula naman ang Chargers sa isang four-set loss sa Flying Titans sa kanilang huling laro.
Sina Ivy Lacsina, Faith Nisperos, Eli Soyud, Fifi Sharma, Erika Raagas, Kamille Cal at Camille Victoria ang aasahan ni Japanese coach Taka Minowa.
Sa ikalawang laro, mag-uunahan ang Foxies at Solar Spikers sa pagbangon mula sa kamalasan.
Nasa two-game losing skid ang Farm Fresh at laglag ang Capital1 sa anim na dikit na kabiguan matapos talunin ang Chameleons noong Nobyembre 20.