MANILA, Philippines — Sisimulan ng apat na tropa ang kani-kanilang mga best-of-three quarterfinals series sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup.
Lalabanan ng No. 3 Converge ang No. 6 Rain or Shine ngayong alas-5 ng hapon, habang sasagupain ng No. 4 Barangay Ginebra ang No. 5 Meralco sa alas-7:30 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
May bitbit namang ‘twice-to-beat’ advantage ang No. 1 NorthPort laban sa No. 8 Magnolia at ang No. 2 TNT Tropang Giga kontra sa No. 7 Eastern.
Ang duwelo ng Gin Kings at karibal na Bolts ang magpapainit sa dalawang bakbakan.
May 4-0 record si import Justin Brownlee at ang Ginebra sa Meralco ngayong season, kasama rito ang 3-0 sweep sa kanilang best-of-five quarters showdown sa nakaraang Governors’ Cup.
Bago matapos ang eliminations ay nagtala ng dalawang sunod na panalo ang Gin Kings sa Elasto Painters, 120-92, at sa Bolts, 91-87.
“It was an opportunity. The game was more of an opportunity for us to get ready for the playoffs,” ani Ginebra coach Tim Cone. “So we wanted to make sure guys have not been getting a lot of minutes. You just don’t know what’s going to happen in the playoffs.”
Hindi naman naglaro si Panamanian-American import Akil Mitchell sa huling dalawang kabiguan ng Meralco dahil sa back spasm.
Sa unang laro, hindi na iniisip ni FiberXers mentor Franco Atienza ang kanilang naitalang 8-4 marka sa eliminations sa pagharap sa Elasto Painters.
“When you go to the playoffs, kung ano man na-achieve mo nu’ng eliminations wala na iyon kasi pagdating sa playoffs nag-iiba na teams, mas lalong tumataas ang level ng kumpetisyon,” wika ni Atienza.
Tinalo ng Converge ang Rain or Shine, 103-96, sa una nilang pagtutuos kung saan nakabalik ang FiberXers mula sa isang 17-point deficit para takasan ang Elasto Painters.
“Hindi kami agrabyado. Ang problema lang namin ngayon paano namin tatalunin ng dalawang beses ‘yung Converge,” ani Rain or Shine coach Yeng Guiao.