SoKor, Kyrgyzstan taob sa PHL sa Harbin

MANILA, Philippines — Inilampaso ng Pilipinas ang South Korea, 12-6, sa curling mixed doubles team event upang mainit na simulan ang kampanya nito sa 9th Asian Winter Games na ginaganap sa Pingfang Curling Arena sa Harbin, China.

Nagsanib-puwersa sina Filipino-Swedish Marc Pfister at Kathleen Dubberstein upang gulanta­ngin sina world No. 13 at top-seeded South Korean tandem Jihoon Seong at Kim Kyeongae.

Muling umiskor ng pa­nalo ang tambalang Pfister at Dubberstein ng igupo ang tandem ng world No. 45 Kyrgyzstan na sina Keremet Asanbaeva at Iskhak Abykeev, 10-2.

Angat agad ang Pilipinas sa 2-0 sa round robin games sa Group A.

“It’s indeed a delightful news and a great start for Team Philippines,” ani Phi­lippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino.

Umalis kahapon si Tolentino patungong Harbin, China kasama ang iba pang miyembro ng de­le­gasyon.

“It’s morale boosting ahead of this Friday’s ope­ning ceremony and I hope we stay this way,” dagdag ni Tolentino na kasamang umalis si chef de mission Ricky Lim.

Sinubukan ng South Koreans na makabalik sa porma subalit hindi na ito umubra sa Pinoy squad na kumana ng sunud-sunod na puntos sa huling bahagi ng laro para tuluyang makuha ang panalo.

May 11 bansa ang kasali sa mixed doubles event na hinati sa dalawang grupo.

Ang dalawang ma-ngungunang koponan sa bawat grupo ang aabante sa semis.

Nakatakda namang su­mabak si short track speed skater Peter Groseclose sa  men’s 1,500m quarterfinals, at 500m at 1,000m heats sa Biyernes.

Show comments