SGA lalabanan ang Tunisia sa semifinals ng Dubai Cup
MANILA, Philippines — Ayaw paawat ng Strong Group Athletics matapos nitong gulpihin ang Sharjah Sports Club, 100-63, upang umentra sa semis ng 34th Dubai International Basketball Championship sa United Arab Emirates.
Ito ang ikalimang sunod na panalo ng SGA para manatiling malinis ang rekord nito sapul noong group stage.
Makakasagupa ng SGA sa semis ang Tunisia ngayong araw.
Mabagal ang simula ng Pinoy squad kung saan nalugmok agad ito sa anim na puntos na pagkakabaon sa first quarter.
Subalit mabilis na rumesponde sina NBA veterans DeMarcus Cousins at Malachi Richardson nang ilatag nito ang solidong opensa para kunin ng SGA ang 31-16 kalamangan sa pagtatapos ng first quarter.
Mas lalo pang nag-init ang SGA sa mga sumunod na sandali kung saan napalobo pa nito ang bentahe sa 37 puntos upang tuluyang pulbusin ang Sharjah.
“Good win for us—great team effort. We played our best defensive game, and the guys stuck to the game plan. We knew they’d rely on a lot of zone defense, so we prepared and scouted them well,” ani SGA head coach Charles Tiu.
Bida si Cousins na may double-double na 21 points at 10 boards, habang naglista naman si dating PBA import Chris McCullough ng 20 markers, 6 rebounds at 2 blocks.
- Latest