Crossovers, Thunderbelles target ang ika-2 dikit

MANILA, Philippines — Ang ikalawang sunod na ratsada ang hangad ng Chery Tiggo at ZUS Coffee sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference sa PhilSports Arena sa Pasig City.

Magtutuos ang Crossovers at Thunderbelles ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang upakan ng Farm Fresh Foxies at Ga­leries Tower Highrisers sa alas-6:30 ng gabi.

Solo ng nagdedepensang Creamline ang lide­rato sa kanilang 6-0 baraha sa itaas ng Petro Gazz (6-1), Cignal (5-2), PLDT (5-3), Chery Tiggo (5-3), Choco Mucho (5-3), Akari (4-4), ZUS Coffee (3-4), Farm Fresh (3-4), Galeries Tower (1-6), Capital1 Solar Energy (1-6) at Nxled (0-8).

Pumalo ang Crossovers ng 21-25, 25-14, 25-20 panalo sa Foxies kung saan nagtala si Ara Galang ng 20 points mula sa 15 attacks, apat na blocks at isang service ace sa kanilang huling laban.

Umiskor naman ang Thunderbelles ng 31-29, 25-15, 25-15 tagumpay sa Solar Spikers tampok ang 15 points ni Chinnie Arroyo.

“Kailangan sipagan namin lagi, palo lang ng palo, walang susuko,” ani Arroyo sa kanilang pagba- ngon mula sa isang three-game losing skid. “Wala lang bibitaw, tibay lang ng loob ito.”

Muling makakatuwang ni Galang sa Chery Tiggo sina Shaya Adorador, Seth Rodrigue, Cza Carandang at Alina Bicar kontra kina Jovelyn Gonzaga, Thea Gagate, Michelle Gamit, Gayle Pascual at Chinnie Arroyo ng ZUS Coffee.

Show comments