MANILA, Philippines — Binuhay ng TNT Tropang Giga ang tsansa sa ‘twice-to-beat’ bonus matapos sibakin ang Phoenix, 106-70, sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Itinaas ng Tropang Giga ang kanilang kartada sa 7-3 matapos makabangon mula sa naunang kabiguan sa talsik nang Terrafirma Dyip (1-11).
Umiskor si import Rondae Hollis-Jefferson ng 15 points at may 12 at tig-11 markers sina Roger Pogoy, Calvin Oftana at Kim Aurin, ayon sa pagkakasunod.
“We talked about this before the last game. It’s really hard to play teams that have nothing to lose,” wika ni coach Chot Reyes.
“We wanted to make sure that we go back to who we are, the way we play defense,” dagdag ng nine-time champion mentor.
Laglag ang Fuel Masters sa ikaapat na dikit na kamalasan para sa 3-9 marka.
Kumpara sa pagkatalo nila sa Terrafirma, naging agresibo ang TNT sa first half para itayo ang 49-35 halftime lead.
Tuluyan na nilang inilublob ang Phoenix sa pagtatapos ng third period, 78-50, sa pamumuno nina Hollis-Jefferson at Pogoy.
Mula rito ay hindi na nilingon ng Tropang Giga ang Fuel Masters na sumama sa bakasyon ng Blackwater Bossing at Dyip.
“Siguro noong last game kasi ang selfish namin, hindi kami nagtutulungan. So Nakita namin ngayon kung sino iyong kailangang tulungan, tutulungan namin,” wika ni Pogoy.
Pinamunuan ni Tyler Tio ang Phoenix sa kanyang 14 points.