MANILA, Philippines — Sasalang ang Gilas Pilipinas sa friendly tournament sa Doha, Qatar bilang paghahanda sa pagsabak nito sa FIBA Asia Cup 2025 Qualifiers.
Kumpirmado na ang partisipasyon ng Gilas sa 2nd International Friendly Basketball Championship na gaganapin simula Pebrero 14 hanggang 17 kung saan makakatapat ng tropa ang tatlong teams.
Apat na bansa lamang ang kalahok sa torneo kasama ang host nation Qatar, Egypt at Lebanon.
Unang makakalaban ng Pinoy squad ang host Qatar sa Pebrero 15 alas-1:30 ng madaling araw (oras sa Maynila).
Susundan ito ng laban ng Gilas kontra sa Lebanon sa Pebrero 16 bago sagupain ang Egypt sa Pebrero 17.
Sinabi ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na malaking tulong ito para sa kaniyang bataan upang maibalik ang chemistry matapos ang ilang buwan na pagkakahiwalay.
Malaking kakulangan din ang pagkawala ni big man Kai Sotto na nagtamo ng ACL injury sa Japan B.League noong Disyembre.
Kaya naman ipinasok sa tropa si Troy Rosario ng Barangay Ginebra na sanay na rin sa sistema ni Cone.
“His (Rosario) familiarity with the system should make for a seamless transition,” ani Cone.
Posibleng makapaglaro na rin si Jamie Malonzo.
Pinaghahandaan ng Gilas Pilipinas ang dalawang nalalabing laro sa FIBA Asia Cup Qualifiers.