MANILA, Philippines — Ang ikalawang sunod na panalo ang target ng Farm Fresh sa pagsagupa sa Chery Tiggo sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Nakatakda ang duwelo ng Foxies at Crossovers ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang bakbakan ng ZUS Coffee Thunderbelles at Capital1 Solar Spikers sa alas-6:30 ng gabi sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Pumalo ang Farm Fresh (3-3) ng 25-22, 26-24, 25-21 panalo kontra sa Nxled (0-7).
Nakatikim naman ang Chery Tiggo ng 25-20, 25-20, 23-25, 15-25, 7-15 kabiguan sa Petro Gazz (6-1).
Muling sasandigan ng Farm Fresh sina Trisha Tubu, Jolina dela Cruz at Rizza Cruz, habang aasahan ng Chery Tiggo sina Cess Robles, Ara Galang, Aby Maraño, Pauline Gaston at Jasmine Nabor.
Ang pagpigil naman sa kamalasan ang hangad ng ZUS Coffee (2-4) at Capital1 (1-5).
Laglag ang Thunderbelles sa dalawang sunod na pagkatalo, samantalang nasa three-game losing slump ang Solar Spikers.
Sina Thea Gagate, Chai Troncoso, Jovelyn Gonzaga at Michelle Gamit ang gagabay sa ZUS Coffee laban kina Trisha Genesis, Jorelle Singh at Lou Clemente-De Guzman ng Capital1.
Samantala, sinabi ni Akari team captain Michelle Cobb na ligtas siya sa neck injury matapos ang masamang pag-save sa bola sa kanilang 21-25, 25-20, 26-24, 25-18 panalo sa Nxled.
Kaagad inilagay si Cobb sa stretcher at isinugod sa Cardinal Santos Medical Center para sa X-ray at CT scans.
“Thank you everyone for all your well wishes! I will be okay! Nala is here to help hehe,” ani Cobb sa kanyang social media post kahapon.