Chargers wagi sa Nxled
MANILA, Philippines — Inilubog ng Akari ang sister team Nxled sa ika-14 sunod na pagkatalo matapos hatawin ang 21-25, 25-20, 26-24, 25-18 panalo sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Pinaganda ng Chargers ang kanilang baraha sa 4-4, habang laglag ang Chameleons sa pang-pitong dikit na kabiguan para sa kabuuang 0-14 simula noong 2024 PVL Reinforced Conference.
Pumalo si Ivy Lacsina ng 17 points mula sa 14 attacks, dalawang service ace at isang block para ibangon ang Akari sa naunang 22-25, 16-25, 15-25 pagkatalo sa PLDT.
“Kaya po kami naka-stay focus talaga sa game dahil doon sa binubuo naming culture ng team. Doon kami nag-stick and siyempre, doon sa mga itinuturo ni coach (Taka Minowa) habang naglalaro kami,” ani Lacsina.
Umiskor si Faith Nisperos ng 16 markers at may 15 at 10 points sina Joy Soyud at Camille Victoria, ayon sa pagkakasunod.
Humugot din ng inspirasyon ang tropa ni Minowa kay setter Mich Cobb na isinugod sa ospital sa kainitan ng laro.
“She feels something. We’re not sure about if it’s serious injury,” wika ni Minowa kay Cobb na hindi na nakabalik sa laro.
Pinamunuan ni Chiara Permentilla ang Nxled sa kanyang game-high 20 points habang may 13 at 11 markers sina Lucille Almonte at Lycha Ebon, ayon sa paagkakasunod.
Inangkin ng Chameleons ang first set, 25-21, bago nakatabla ang Chargers sa second frame, 25-20, sa likod nina Lacsina, Nisperos at Soyud.
Itinakas ng Akari ang 26-24 panalo sa third set patungo sa 24-16 kalamangan sa Nxled sa fourth frame.
Ang hataw at service ace ni Ebon ang naglapit sa Nxled sa 18-24 kasunod ang cross court attack ni Nisperos para sa tagumpay ng Akari.
- Latest