TNT aasinta ng quarterfinals vs Phoenix

TNT's Kelly Williams

MANILA, Philippines — Pilit na babangon ang TNT Tropang Giga mula sa masaklap na kabiguan para opisyal na makapasok sa quarterfinals ng Season 49 PBA Commissioner’s Cup.

Sasagupain ng Tropang Giga ang nanganga­nib na Phoenix Fuel Masters ngayong alas-5 ng hapon kasunod ang upakan ng Converge FiberXers at San Miguel Beermen sa alas-7:30 ng gabi sa Ynares Center sa Antipolo City.

Swak na sa eight-team quarterfinals ang Converge (8-3), NorthPort (8-3), guest team Eastern (7-3), Meralco (7-3) at Ginebra (7-4).

Naghahangad naman ng tiket ang TNT Tropang Giga (6-3), San Miguel Beer (4-6), Magnolia (4-6), NLEX (4-6), Phoenix (3-8) at Blackwater (3-8).

Nagwakas ang six-game winning streak ng Tropang Giga matapos yumukod sa sibak nang Terrafirma Dyip, 108-117, sa kabila ng iniskor na 41 points ni import Rondae Hollis-Jefferson noong Miyerkules.

Laglag naman ang Fuel Masters sa tatlong dikit na kamalasan kasama ang nakaraang 92-100 pagkatalo sa import-less Bossing noong Martes.

Samantala, determinado ang FiberXers na talunin ang Beermen para masikwat ang isa sa dalawang bonus sa quarterfinals.

Determinado rin ang SMB na manalo para lumakas ang tsansa sa quarterfinals.

Sa tournament format, kung magtatabla ang Beermen, Hotshots at Road Warriors sa 6-6 ay babasagin ito ng PBA quotient na magdedetermina sa top two teams na magtutuos sa isang knockout game para sa No. 8 spot.

Aangat ang SMB dahil sa kanilang superior quotient kasunod ang NLEX habang talsik ang Magnolia.

Show comments