MANILA, Philippines — Malaki ang maitutulong ng 1Pacman Partylist sa pagsuporta sa mga atleta at pagpapaunlad ng Philippine sports.
Ito ang sinabi nina PBA superstars Scottie Thompson ng Barangay Ginebra at Jayson Castro ng TNT Tropang Giga at Filipino-Ivorian Olympian fencer Maxine Esteban sa 1Pacman Partylist na pinamumunuan ni Capital1 co-owner at partylist first nominee Milka Romero.
“Alam natin sa Pilipinas, sobrang need natin ng support sa sports, not just basketball, not just the Gilas but all kinds of sports na talagang tutulungan natin para umunlad,” ani Thompson sa 1Pacman Partylist.
Isa naman si Castro sa mga sumuporta sa kandidatura ni incumbent 1Pacman representative Mikee Romero.
“Since first campaign ni Boss Mikee nandoon na ako, so maganda ‘yung programa nila para sa mga kabataan sa sports,” sabi ng TNT guard. “Kung hindi mo naitatanong isa rin sila sa mga tumulong sa akin noong PBL days ko. So ‘yun ‘yung give back ko sa kanila kasi sila rin naman ‘yung unang tumulong sa akin.”
Natulungan rin ni Romero si Esteban sa pagsuporta para sa paglahok ng mga atleta ng Olongapo sa nakaraang Batang Pinoy.
“It’s really my advocacy kasi kahit naman hindi ako pinalad na ma-represent ‘yung Pilipinas sa Olympics, ipinangako ko talaga sa sarili ko na I want to be relevant in Philippine sports and really to help athletes here in the Philippines,” sabi ni Esteban.
Kagaya ng kanyang amang si Mikee, solidong suporta rin ang ibibigay ni Milka bilang kinatawan ng 1Pacman Partylist sa Kongreso.