MANILA, Philippines — Desidido si outside hitter Myla Pablo na makatulong sa kampanya ng Petro Gazz sa ginaganap na Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Kaya naman hindi nito pinababayaan ang kanyang sarili upang makaiwas sa anumang injury na nagpabagal sa kanya sa mga nakalipas na seasons.
Matatandaang sumailalim sa rehabilitasyon si Pablo dahil sa iniinda nitong back injury dahilan para hindi ito masilayan sa aksyon.
Madas itong nakikitang nasa bench lamang upang hindi na lumala pa ang kanyang back injury.
At sa pagbabalik ng kanyang matikas na laro, nais ni Pablo na magamit ito para makatulong sa Gazz Angels.
Sisiguraduhin nitong mapapangalagaan nito ang kanyang katawan para mapanatiling kundisyon ito.
“Gusto kong makatulong sa team kaya magpapakundisyon pa rin ako. Hindi ko pababayaan ang sarili ko,” ani Pablo.
Sa katunayan, hindi tumigil si Pablo sa conditioning sa nakalipas na holiday season.
Tuluy-tuloy lamang ito sa kanyang regular na workout upang matiyak na hindi mawawala sa sistema nito ang paglalaro.
Isa si Pablo sa mga inaasahan ng Gazz Angels sa opensa lalo pa’t kilala ito sa kaniyang pamatay na atake dahilan para tawagin itong ‘Bagyong Pablo’ sa tuwing rumaratsada ito.