TNT na-lowbat sa Terrafirma

Nilusutan ni Terrafirma guard Aljun Melecio si Rey Nambatac ng TNT Tropang Giga para sa kanyang layup.

MANILA, Philippines — Halos lahat ng itinira ng sibak nang Terrafirma sa second half ay pumasok.

At walang nakitang solusyon ang TNT Tropang Giga para pigilan ito.

Inilista ng Dyip ang ka­una-unahan nilang panalo matapos silatin ang Tropang Giga, 117-108, sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.

Bumanat si rookie guard Mark Nonoy ng career-high 33 points tampok ang limang three-point shots at dalawang four-pointers para sa 1-11 record ng Terrafirma.

“Sobrang thankful ako kasi bago mag-end iyong season nakuha namin iyong first win namin,” wika ni Nonoy, dating kamador ng La Salle Green Archers sa UAAP.

Nag-ambag si import Brandon Edwards ng 19 points at may 16 at tig-10 markers sina Louie Sangalang, Kemark Carino at Aljun Melecio, ayon sa pagkakasunod.

Napigilan ang six-game winning streak ng TNT para sa 6-3 marka at ang opisyal na pagpasok sa quarterfinals.

Umiskor si import Rondae Hollis-Jefferson ng 41 points kasunod ang 17 markers ni Calvin Oftana para sa PLDT franchise.

Nauna nang tinalo ng Dyip ang Tropang Giga, 84-72, noong Setyembre 19.

Kinuha ng TNT ang first period, 28-25, bago nakatabla ang Terrafirma sa 31-31 sa pamumuno ni Nonoy patungo sa pagtatala ng 61-50 halftime lead.

Sa third quarter ay lalo pang nakalayo ang Dyip para ilista ang 84-63 kalamangan sa 3:57 minuto nito tampok ang triple ni Kevin Ferrer.

Ang 4-pointer ni Nonoy sa pagtatapos ng third period ang nagbaon sa Tropang Giga sa 99-70 bago ipadyak ang 31-point lead, 103-72, mula ulit sa tirada ng one-time UAAP champion guard.

“Siguro na-inspire ako kay kuya Jayson kasi first time naming maglaban eh. Kumbaga since childhood ko napapanood ko na siya. grade school ako, high school. Isa siya sa mga PBA player na na-inspire ako,” wika ng 2024 PBA Draft No. 10 overall pick ng Terrafirma.

Show comments