MANILA, Philippines — Pipilitin ng NorthPort na tapusin ang dalawang sunod na kamalasan para makalapit sa ‘twice-to-beat’ ticket sa quarterfinal round ng Season 49 PBA Commissioner’s Cup.
Lalabanan ng Batang Pier ang San Miguel Beermen ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang bakbakan ng Phoenix Fuel Masters at Blackwater Bossing sa alas-5 ng hapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Solo ng TNT Tropang Giga ang liderato bitbit ang 6-3 record kasunod ang Converge (8-3), Meralco (7-3), Eastern (7-3), NorthPort (7-3), Rain or Shine (6-3), Ginebra 6-4), San Miguel ( -5), Magnolia (4-6), NLEX (4-6), Phoenix (3-7), Blackwater (2-8) at sibak nang Terrafirma (0-11).
Sa lahat ng koponan ay ang FiberXers ang dumikit sa ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals na hangad din ng Batang Pier.
“Lahat naman ng teams gusto ‘yung ganoong incentive. Napakagandang incentive nun sa playoffs,” ani Converge coach Franco Atienza.
Bagsak ang Batang Pier sa Bolts, 94-111, at sa Elasto Painters, 107-127, sa kanilang huling dalawang laban.
“Kailangan makabawi,” sabi ni mentor Bonnie Tan sa dalawang dikit nilang kamalasan.
Talo ang Beermen sa Bolts, 93-100, noong Sabado sa Candon City, Ilocos Sur kung saan umiskor si bagong import Malik Pope ng 14 points sa kanyang PBA debut bilang kapalit ni Jabari Narcis.
Para makapasok sa eight-team quarterfinal cast ay kailangang walisin ng San Miguel ang kanilang huling tatlong laro kontra sa NorthPort, Converge at TNT.
Muling ipaparada ng NorthPort sina import Kadeem Jack, Arvin Tolentino, Joshua Munzon, William Navarro, Cade Flores at Fran Yu katapat sina Pope, eight-time PBA MVP June Mar Fajardo, CJ Perez, Don Trollano, Juami Tiongson at Mo Tautuaa ng SMB.