MANILA, Philippines — Ang pang-limang sunod na panalo ang target ng Petro Gazz at ng nagdedepensang Creamline habang ipaparada ng Chery Tiggo ang bagong hugot na si Risa Sato sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Sasagupain ng Gazz Angels ang Crossovers ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang upakan ng Cool Smashers at Capital1 Solar Spikers sa alas-4 ng hapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Sa unang laro sa ala-1:30 ng hapon ay magtutuos ang Cignal HD Spikers at Galeries Tower Highrisers.
Sa nakolektang 15 points ay hawak ng Petro Gazz ang liderato sa kanilang 5-1 baraha tampok ang apat na sunod na ratsada bago ang mahabang break simula noong Disyembre 14.
Sina Fil-American Brooke Van Sickle, Myla Pablo, Jonah Sabete, Aiza Maizo-Pontillas, MJ Phillips at Remy Palma ang babandera sa Gazz Angels katapat sina Sato, Aby Maraño, Ara Galang, Pauline Gaston, Imee Hernandez at Jasmine Nabor ng Crossovers.
Tinalo ng Petro Gazz ang Cignal, 25-19, 25-21, 25-18 habang tinakasan ng Chery Tiggo ang Galeries Tower, 30-28, 20-25, 19-25, 25-16, 15-8, sa kanilang mga huling laro.
Samantala, hahatawin ng Creamline (4-0) ang pang-limang dikit na panalo laban sa Capital1 (1-4) na idinagdag sa lineup si outside hitter Trisha Genesis na nagmula sa Nxled.
Umiskor ang Cool Smashers ng 25-22, 28-30, 26-24, 17-25, 15-13 panalo sa ZUS Coffee Thunderbelles, samantalang yumukod ang Solar Spikers sa Highrisers, 24-26, 14-25, 23-25, sa mga huli nilang laban.