MANILA, Philippines — Nasikwat ng Converge ang solo No. 2 seed at namuro sa twice-to-beat matapos kaldagin ang Blackwater, 127-109, sa 2024-2025 PBA Commissioner’s Cup quarterfinals kahapon sa Ynares Sports Center sa Antipolo.
Limang players ang umiskor ng double digits sa pangunguna ng 22 puntos, 3 rebounds at 5 assists ni Jordan Heading para akayin ang FiberXers sa 8-3 kartada.
Dahil dito ay nakakalas ang Converge sa pitpitang tabla sa tersera puwesto kasama ang NorthPort, Meralco at Eastern na may 7-3 kartada habang nakalapit sa No. 1 seed na Talk ‘N Text na may 6-2 baraha.
Tanging ang Top 2 teams lang ang makakakuha ng win-once bonus sa quarterfinals, kung saan sigurado na ang puwesto ng Converge noong nakaraang laro pa dahil sa magic number na 7 wins.
Sumuporta kay Heading ang import na si Cheick Diallo na may 20 puntos at 18 rebounds habang 20 rin ang ambag ni No. 1 pick Justine Baltazar sahog pa ang 10 rebounds, 2 assists, 3 steals at 2 tapal para sa kanyang breakout game matapos mag-debut lang nitong conference.
Nag-ambag pa ng 19 puntos si Alec Stockton, may tig-10 puntos sina Schonny Winston at JL Delos Santos.
Itutuon ng Converge ang atensyon nito ngayon sa huling laban kontra sa San Miguel Beer upang malaman ang kapalaran kung sa twice-to-beat ba o sa best-of-three series sasalang sa quarterfinals.
Rumatsada agad sa 33-26 ang FiberXers at lumamang ng hanggang 20 puntos tungo sa kumbinsidong tagumpay.
Nauwi sa wala ang 34 puntos at 13 rebounds ni import George King para sa Bossing na nalaglag sa 2-8 baraha.