MANILA, Philippines — Bukas pa rin ang pintuan ni two-time PBA Finals MVP Filipino-American Mikey Williams sa posibilidad na muling maglaro sa Philippine Basketball Association.
Hindi na bago si Williams sa kultura ng Pilipinas lalo pa’t may dugo itong Pinoy at ilang taon din na naglaro sa liga sa nakalipas.
Kaya naman itinuturing ni Williams na ikalawang tahanan ang Pilipinas sa kabila ng American culture na kinalakihan nito.
At hindi malayo na muli itong makapaglaro sa PBA.
Naghihintay lamang ng tamang panahon si Williams.
“Only time can tell,” ani Williams sa isang ulat.
Nasilayan sa aksiyon si Williams kasama ang TNT Tropang Giga.
Bahagi ito ng Tropang Giga na nagkampeon noong 2021 All-Filipino Conference at 2023 Governors’ Cup.
Sa parehong kumperensiya, itinanghal na Finals MVP si Williams.
Kasalukuyang nasa bansa si Williams dahil bahagi ito ng Strong Group Athletics na sasabak sa 2025 Dubai International Basketball Championship na magsisimula sa huling bahagi ng Enero sa Dubai, United Arab Emirates.
Masaya si Williams na nakabalik ito sa Pilipinas kung saan nakita nito ang ilan sa kaniyang malalapit na kaibigan sa PBA.
Excited na si Williams na maglaro sa Dubai meet.
Kasama sa SGA sina NBA star DeMarcus Cousins, NBA sniper Malachi Richardson, international journeyman Terry Larrier at dating Gilas Pilipinas naturalized player Andray Blatche.