MANILA, Philippines — Hindi hinayaan ng guest team na Eastern na mabiktima sila ng sibak nang Terrafirma.
Kumawala sa dulo ng third period ang Hong Kong team para gibain ang Dyip, 134-110, sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Bumawi ang Eastern sa nauna nilang kabiguan para itaas ang kanilang kartada sa 7-3 at palakasin ang tsansa sa ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals.
Umiskor sina Ramon Cao at Hayden Blankley ng tig-23 points at may tig-20 markers sina Kobey Lam 20 at Steven Guinchard.
Nanalo ang mga bataan ni coach Mensur Bajramovic bagama’t sa first period lamang naglaro si import Chris McLaughlin dahil sa injury.
Bagsak naman ang Terrafirma sa kanilang ika-11 sunod na kamalasan.
Taliwas sa inaasahan, lumaban nang sabayan ang Dyip kung saan nila inagaw ang 43-42 bentahe matapos ang back-to-back 3-pointers ni Kevin Ferrer at 3-point play ni Stanley Pringle sa 4:26 minuto ng second quarter.
Nauna nang inilista ng Eastern ang 35-28 abante sa likod ng isang 4-pointer at triple ni Guinchard.
Muling napasakamay ng Eastern ang unahan sa pagtatapos ng first half, 57-53.
Pagdating sa third period ay nagsalpak si Cao ng dalawang tres para ilayo ang Hong Kong squad sa 65-55.
Naagaw muli ng Dyip ang 78-77 kalamangan sa huling 3:49 minuto nito mula sa dalawang free throws ni import Brandon Edwards.
isinara ng Eastern ang nasabing yugto bitbit ang 10-point lead, 89-79, bago tuluyang iwanan ang Terrafirma sa 111-90 sa 6:29 minuto ng final canto.
Inakbayan ni Edwards ang Dyip mula sa kanyang 26 points.