MANILA, Philippines — Makalalaro agad si middle blocker Risa Sato kasama ang Chery Tiggo sa pagbabalik-aksiyon ng Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Hindi tinamaan si Sato ng PVL rules kung saan hindi pinahihintulunan ang sinumang player na naka-lineup sa kaniyang pinanggalingang team para maglaro sa bagong team na lilipatan nito.
Noong nakaraang taon ay marami na ang nakapansin na hindi kasama si Sato sa lineup ng Cool Smashers para sa All-Filipino Conference.
Ayon sa balita, hiniling ni Sato na huwag na itong isama sa lineup dahil mapapaso na ang kontrata nito sa pagtatapos ng taong 2024.
Pumayag naman ang pamunuan ng Cool Smashers at binigyan ito ng release papers.
Maayos ang paghihiwalay nina Sato at ng Cool Smashers.
Kaya naman sa pagpasok ni Sato sa Chery Tiggo, agad itong makalalaro dahil idaragdag lamang ito sa lineup ng Crossovers.
Base sa PVL rules, maaaring magdagdag ng mga bagong players ang isang team kung ang mga ito ay wala sa lineup ng ibang teams na kasalukuyang naglalaro sa ginaganap na kumperensiya.