OKLAHOMA CITY -- Nagtala si Shai Gilgeous-Alexander ng 40 points sa 134-114 pagbugbog ng Thunder sa Cleveland Cavaliers para magtabla sa tuktok.
Nag-ambag si Lu Dort ng season-high 22 points kasunod ang 19 markers ni Jalen Williams para sa ikaapat na sunod na ratsada ng Oklahoma City (34-6).
Pinangunahan ni playmaker Darius Garland ang Cleveland (34-6) sa kanyang 20 points, habang nalimitahan si star guard Donovan Mitchell sa walong marka mula sa masamang 3-for-15 field goal shooting.
Kinuha ng Cavaliers ang 12-10 abante bago rumatsada ang Thunder ng isang 22-2 atake para agawin ang 32-14 kalamangan.
Bumira si Gilgeous-Alexander ng 15 points sa nasabing pananalasa ng home team first period.
Tuluyan nang nakalayo ang Oklahoma City sa halftime, 75-49, patungo sa 119-81 pagbaon sa Cleveland.
Sa Sacramento, nagposte si DeMar DeRozan ng 31 points at may 28 markers ni Malik Monk sa 132-127 paggupo ng Kings (21-20) sa Houston Rockets (27-13).
Sa Detroit, kumamada si center Myles Turner ng 28 points, habang may 26 markers si forward Pascal Siakam para tulungan ang Indiana Pacers (23-19) sa 111-100 pagpapatumba sa Pistons (21-20).
Sa Washington, bumira si Devin Booker ng 37 points at may 23 markers si Kevin Durant sa 130-123 pagsunog ng Phoenix Suns (20-20) sa Wizards (6-33).
Sa Portland, umiskor si Norman Powell ng 23 points at may 19 markers si James Harden sa 118-89 paglunod ng Los Angeles Clippers (23-17) sa Trail Blazers (13-27).