Ika-4 import isasalang ng San Miguel vs Meralco
MANILA, Philippines —
Isasalang ng Beermen si 6-foot-10 Malik Pope sa kanilang pagsagupa sa Meralco Bolts ngayong alas-7:30 ng gabi sa Candon City Arena sa Ilocos Sur.
Si Pope ang papalit kay Jabari Narcis.
Ang 28-anyos na si Pope ang ikaapat na reinforcement ng San Miguel sa torneo matapos sina Quincy Miller, Torren Jones at Narcis.
Umaasa si coach Leo Austria na matutulungan sila ni Pope, isang undrafted player sa NBA at naglaro sa Greece, Germany at Estonia, para mapaganda ang kanilang 4-4 kartada.
Naglaro rin si Pope sa Los Angeles Lakers sa NBA Summer League noong 2018.
Nakita rin siya sa aksyon para sa Austin Spurs, Ignite, Wisconsin Herd at sa Delaware Blue Coats sa G League.
Nauna nang nagpahiwatig si Austria na papalitan si Narcis matapos ang 74-84 kabiguan sa Hong Kong Eastern sa East Asia Super League (EASL) noong Miyerkules sa Philsports Arena sa Pasig City.
Walang naiskor si Narcis sa nasabing laro.
Nagbigay si Narcis sa Beermen ng isang panalo sa kanyang tatlong laro bilang kapalit ni Jones.
Dahil sa kanilang kartada ay makikipag-agawan ang San Miguel sa No. 8 spot sa eight-team quarterfinal round.
Nasa likod nila ang Magnolia na may 4-6 marka.
- Latest