MANILA, Philippines — Tinapos ng Rain or Shine ang dalawang dikit na kamalasan matapos talunin ang NorthPort, 127-107, sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Kumamada si import Deon Thompson ng 25 points, habang nagkuwintas si Adrian Nocum ng 16 markers, 10 rebounds at 7 assists.
Nagdagdag si Leonard Santillan ng 16 points at may 13, 12 at 11 markers sina Andrei Caracut, Anton Asistio at Keith Datu.
Ang panalo ang nagtaas sa baraha ng Elasto Painters sa 6-3 para makakuha ng playoff spot sa eight-team quarterfinal round.
“I think it’s more of our defense. Ang taas ng score namin. Sa amin kasi kapag mataas ang score medyo normal sa phase sa amin,” ani coach Yeng Guiao.
“Ang maganda pa rito mayroon kaming seven guys in double figures. Iyon ang hinahabol namin, magbalanse iyong opensa namin,” dagdag ng seven-time champion mentor.
Laglag ang Batang Pier sa ikalawang sunod na kabiguan para sa 7-3 kartada at nadiskaril ang paglapit sa isa sa dalawang ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals.
Maagang lumamang ang Rain or Shine sa itinalang 33-18 bentahe sa first period patungo sa paglilista ng malaking 62-44 halftime lead.
Nagawang makalapit ng NorthPort sa 56-64 sa 8:45 minuto ng third quarter mula sa isang 12-2 atake.
Sa likod nina Thompson, Nocom at Caracut ay isang 20-7 bomba ang inihulog ng Elasto Painters para iposte ang 23-point lead, 86-63, sa huling 4:12 minuto nito.
Huling nagbanta ang Batang Pier sa 88-100 sa 7:43 minuto ng final canto bago muling maiwanan sa 92-112 sa 5:58 minuto ng labanan.