Spurs pinapak ng Grizzlies; Lakers tinapos ang kamalasan
SAN ANTONIO — Nagsumite si point guard Ja Morant ng 21 points at 12 assists para banderahan ang Memphis Grizzlies sa 129-115 pagdispatsa sa Spurs.
May 21 markers din si Desmond Bane para sa Memphis (26-15), habang may 20 at 19 points sina Santi Aldama at Jaren Jackson Jr., ayon sa pagkakasunod.
Pinamunuan ni rookie Stephon Castle ang San Antonio (19-20) sa kanyang season-high 26 points at nagkadena si Victor Wembanyama ng 13 points, 12 rebounds at 8 blocks.
Inatake ng Grizzlies ang 7-foot-3 na si Wembanyma sa depensa ng Spurs tampok ang isang one-handed slam dunk sa kanya ni Morant sa huling dalawang minuto ng fourth period.
Ngunit hindi ibinilang ang nasabing dunk ni Morant kay Wembanyama dahil naunang pumito ng foul ang referee.
Ang lahat ng walong blocks ni Wembanyama para sa San Antonio ay kanyang itinala sa first half.
Umiskor naman ang Memphis ng 78 points sa kabuuan ng second half at nilimitahan ang home team sa 52 markers.
Sa Los Angeles, umiskor si Rui Hachimura ng 23 points at humakot si Anthony Davis ng 22 points at 11 rebounds sa 117-108 panalo ng Lakers (21-17) sa Miami Heat (20-19).
Nag-ambag si LeBron James ngh 22 points at 9 assists at tumipa si Austin Reaves ng 14 points at 14 rebounds para tapusin ng Los Angeles ang three-game losing slump.
Sa Minneapolis, kumonekta si Stephen Curry ng pitong 3-pointers at tumapos na may 31 points sa 116-115 pag-eskapo ng Golden State Warriors (20-20) sa Minnesota Timberwolves (21-19).
Sa Inglewood, California, umiskor si Kawhi Leonard ng 23 points at may 21 markers si James Harden sa 126-67 pagmasaker ng Clippers (22-17) sa Brooklyn Nets (14-27).
- Latest