MANILA, Philippines — Walang duda na karapat-dapat na mailuklok sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Hall of Fame si weightlifter Hidilyn Diaz na kauna-unahang Pinoy athlete na nakasungkit ng gintong medalya sa Olympics.
Pormal nang iluluklok si Diaz sa San Miguel Corporation-PSA Awards Night na idaraos sa Enero 27 sa Manila Hotel.
Hindi malilimutan ang tagumpay ni Diaz nang maibulsa nito ang gintong medalya noong 2020 Olympics sa Tokyo, Japan para basagin ang ilang dekadang pagkauhaw ng Pilipinas sa gold medal sa Olympics.
Kaya naman bibigyan ito ng natayanging parangal para saluhan sa maningning na programa si first ever Filipino Olympic double-gold medalist Carlos Yulo na tatanggap ng Athlete of the Year award sa programang inihahandog ng ArenaPLus, Cignal at MediaQuest.
Makakasama nina Diaz at Yulo ang iba pang atleta at mga personalidad sa event na suportado ng Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, MILO, PLDT/Smart, Senator Bong Go, Januarius Holdings, PBA, PVL at 1-Pacman Party List.
Isa lamang si Diaz sa listahan ng mga legendary athletes na nasa Hall of Fame.
Kabilang dito sina late track and field great Lydia De Vega, bowlers Paeng Nepomuceno at Bong Coo, chess grandmaster Eugene Torre, pool idol Efren ‘Bata’ Reyes, late FIDE president Florencio Campomanes at Manny Pacquiao.
Matagumpay ang karera ni Diaz na humakot ng kabi-kabilang gintong medalya sa Southeast Asian Games at Asian Games at sa World Championships at Asian Championships.
Isa lamang si Diaz sa apat na Pinoy athletes na nakasungkit ng dalawang medalya sa Olympics.
Bukod sa ginto ay may pilak din ito sa Rio Olympics noong 2016.
Kasama ni Diaz sa mga double medalists sina Yulo (dalawang ginto), Nesthy Petecio (isang pilak at isang tanso) at Teofilo Yldefonso (dalawang tanso).