MANILA, Philippines — Itinalaga na ng Philippine Olympic Committee (POC) ang mga sports leaders na magsisilbing Chef de Mission sa iba’t ibang malalaking international tournaments.
Nangunguna na sa listahan si boxing chief Ricky Vargas na siyang magsisilbing chef de mission ng Team Philippines sa 2028 Olympic Games na idaraos sa Los Angeles, California.
Pangungunahan naman ni Dr. Raul Canlas ang pambansang delegasyon sa 2025 SEA Games na gaganapin sa Disyembre sa Bangkok, Thailand.
Tatayo namang chef de mission si fencing head Richard Gomez sa 2026 Winter Olympics na idaraos naman sa Mila, Italy mula sa Pebrero 6 hanggang 22.
Sa kabilang banda, pinangalanan si Samahang Basketbol ng Pilipinas president Al Panlilio bilang chef de mission sa 2026 Asian Games sa Nagoya, Japan na Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.
Inihayag ni Tolentino ang pagtatalaga nito sa mga bagong chef de mission sa General Assembly ng kumite.
Walang tinutukoy si POC president Abraham Bambol Tolentino na magiging chef de mission sa Asian Winter Games sa Harbin, China, World Games sa Chengdu, China at Asian Youth Olympics sa Manama, Bahrain.
Pinaghahandaan ng POC ang malalaking international tournaments na lalahukan ng Pinoy athletes sa mga susunod na taon.
Nangunguna na sa listahan ang LA Olympics kung saan pakay ni Tolentino na mapantayan o malampasan ang dalawang ginto at dalawang tansong nakamit ng bansa noong 2024 Paris Olympics.
Si Yulo pa rin ang nangungunang pambato ng Team Philippines sa LA Olympics kung saan dedepensahan nito ang kanyang korona sa men’s floor exercise at men’s vault.
Kaya naman tututukan ng husto si Yulo upang muling makahirit ng tiket sa LA Olympics.
Target din ng kapatid nitong si Karl Eldrew Yulo na makahirit ng silya sa LA Olympics dahilan para mas lalong lumakas ang tsansa ng Pilipinas na makasungkit ng mas maraming medalya.
Maganda ang takbo ng training ni Karl Eldrew na kasalukuyang hawak ni Japanese mentor Munehiro Kugimiya — ang Japanese coach na tumutok kay Caloy para maging isang world-class gymnast ito.