Rosario balik sa Gilas

MANILA, Philippines — Balik-national team ang batikang point guard na si Troy Rosario matapos isama ni head coach Tim Cone sa training pool ng Gilas Pilipinas para sa huling window ng 2025 FIBA Asia Cup Qualifiers sa Pebrero.

Mismong si Cone, na chief tactician din ng Barangay Ginebra sa PBA, ang nagkumpirma sa pagdagdag ni Rosario sa Gilas at kanyang pagsama sa nalalapit nilang training camp sa Doha, Qatar.

Kalilipat lang ni Rosario sa Ginebra mula sa Blackwater matapos maging free agent ngayong idinaraos na 2024-2025 PBA Commissioner’s Cup.

Paraan ni Cone at ng Gilas ang pagbabalik ni Rosario upang punan ang puwesto nina Kai Sotto at Kevin Quiambao na nadale ng magkaibang injuries sa Japan B. League at Korean Basketball League, ayon sa pagkakasunod.

Inaasahang 6 na buwang mawawala si Sotto dahil sa ACL injury habang hanggang isang buwan naman ang pahinga ni Quiambao matapos magtamo ng right ankle sprain.

Huling sumabak sa Gilas si Rosario noong 2021 Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam, kung saan nagkasya lang sa pilak na medalya sa unang beses sa loob ng 33 taon.

Subalit bago iyon ay nagwagi siya ng 3 gold medals at naging bahagi rin ng Gilas sa 2019 FIBA World Cup, 2023 FIBA World Cup Asian Qualifiers, 2021 FIBA Asia Cup Qualifiers at 2017 SEABA Championship.

Inaasahan ni Cone ang karanasan at liderato ni Rosario pati na ang kanyang walang kupas na galing upang matulungan ang Gilas na mawalis ang Qualifiers.

Swak na sa mismong 2025 FIBA Asia Cup sa Saudi Arabia ang Gilas hawak ang 4-0 kartada.

Show comments