LOS ANGELES — Kumabig si Victor Wembanyama ng 23 points at may 17 markers si Harrison Barnes sa 126-102 demolisyon ng San Antonio Spurs sa Lakers.
Nag-ambag sina Devin Vassell at Stephon Castle ng tig-23 points para sa pagbangon ng San Antonio (19-19) sa tatlong sunod na kamalasan.
Humakot si Anthony Davis ng 30 points at 13 rebounds at naglista si LeBron James ng 18 points at 8 assists para sa unang home game ng Los Angeles (20-17) sapul nang magkaroon ng wildfire sa kanilang lugar.
Dinomina ng Spurs ang fourth quarter kung saan sila humataw ng isang 25-9 atake para makawala mula sa pagkakatabla sa third period.
Samantala, iniretiro ng Lakers ang No. 21 jersey ni Michael Cooper sa isang halftime ceremony para parangalan ang Hall of Fame guard na may limang championships sa Showtime era.
Sa Washington, nagpaputok si Anthony Edwards ng 41 points sa 120-106 paggupo ng Minnesota Timberwolves (21-18) sa Wizards (6-32).
Sa Houston, dinuplika ni Fil-Am guard Jalen Green ang kanyang career high na 42 points para banderahan ang Rockets (26-12) sa 120-118 pagdaig sa Memphis Grizzlies (25-15).
Sa New York, nagbagsak si Cade Cunningham ng 36 points sa 124-119 panalo ng Detroit Pistons (21-19) sa Knicks (26-15).