MANILA, Philippines — Lalapit ang NorthPort sa ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals habang mag-uunahang makabangon mula sa kabiguan ang Rain or Shine at Converge sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup.
Lalabanan ng Batang Pier ang Meralco Bolts ngayong alas-5 ng hapon kasunod ang bakbakan ng Elasto Painters at FiberXers sa alas-7:30 ng gabi sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Bitbit ng NorthPort ang 7-1 baraha kasunod ang Rain or Shine (5-2), TNT tropang Giga (4-2), Hong Kong Eastern (6-3), Converge (6-3), Ginebra (6-3), Meralco (5-3), San Miguel (4-4), NLEX (3-5), Phoenix (3-5), Magnolia (3-6), Blackwater (1-7) at Terrafirma (0-9).
Hangad ang ikatlong sunod na ratsada, nagmula ang Batang Pier sa 119-116 pagtakas sa Gin Kings para patibayin ang pag-asa sa quarterfinal bonus.
“I hope that with this win, we proved that we’re here to win games. We’re here to be competitive, we’re not just a team to be taken lightly,” ani coach Bonnie Tan sa kanilang panalo.
Umiskor naman ang Bolts ng 105-91 panalo sa Road Warriors para sa tsansa sa quarterfinal spot.
“We’re focusing on Meralco first. We’re taking it one step at a time. We really can’t look ahead,” ani NorthPort star Arvin Tolentino.
Sa ikalawang laro, ang pagbangon mula sa pagkatalo ang hangad ng Elasto Painters at FiberXers matapos mapigilan ang kanilang parehong four-game winning streak.
Sumuko ang Rain or Shine sa Phoenix, 91-93 habang minalas ang Converge sa TNT Tropang Giga, 96-98, sa kanilang mga huling laro.