MANILA, Philippines — Halos siyam na buwan hindi nakalaro si Barangay Ginebra forward Jamie Malonzo matapos magkaroon ng calf injury noong Abril sa kanilang laban ng NorthPort sa nakaraang PBA Philippine Cup.
Sa kanyang pagbabalik sa hardcourt noong Linggo ay nagtala ang Fil-American ng walong puntos sa loob ng 10 minuto sa 86-63 paggupo ng Gin Kings sa Blackwater Bossing sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup.
Sinabi ni coach Tim Cone na hindi niya basta-basta bibigyan ng mahabang playing time ang 6-foot-7 forward.
“We had many restrictions on him. We’ll try to continue to monitor his minutes for the next few games. Hopefully they’ll increase incrementally as the games come along,” ani Cone.
“Maybe the next game will be 15 to 18 (minutes), and we’ll continue to monitor him and how he’s responding after every game,” dagdag ng two-time PBA Grand Slam champion mentor.
Malaking tulong ang pagbabalik sa lineup ni Malonzo para sa hangarin ng Ginebra na makapasok sa eight-team quarterfinal round.
“They have me on a minute restrictions below. But yeah, I’m going to be working on getting back to regular minutes. I feel great,” sabi ng 28-anyos na si Malonzo.
Pinaganda ng Gin Kings ang kanilang record sa 6-3 para palakasin ang tsansa sa quarterfinals.
Sunod na lalabanan ng Ginebra ang TNT Tropang Giga, may 5-2 kartada at nasa isang four-game winning streak, sa Biyernes sa PhilSports Arena sa Pasig City.