Eala umangat sa WTA rankings

MANILA, Philippines — Bagama’t napatalsik sa Australian Open qualifiers ay tumaas pa rin ang ranggo ni Pinay tennis sensation Alex Eala sa pinakabagong Women’s Tennis Association (WTA) rankings.

Tumaas ng dalawang posisyon ang 19-anyos na si Eala sa kanyang pag-upo sa World No. 136 place mula sa pagiging No. 138.

Nauna na siyang nakapasok sa kauna-unahan niyang WTA semifinal stint sa nakaraang WTA 125 Canberra bago sumalang sa Grand Slam tournament sa Melbourne, Australia noong nakaraang linggo.

Umangat ang Rafa Nadal Academy scholar ng 11 spots mula sa kanyang year-end ranking na World No. 147 noong Disyembre 30.

Yumukod si Eala kay Croatian Jana Fett, 5-7, 2-6, sa Australian Open qualifiers sa kanyang ha­ngaring makalaro sa ka­una-unahan niyang Grand Slam main draw appea­rance.

Si Eala ay isang two-time Girls’ Doubles tournament winner sa juniors at isang Girls’ Singles champion sa US Open noong 2022.

Nakamit niya ang kan­yang ikalawang Girls’ Doubles trophy sa 2021 French Open.

Noong 2024 ay nagwagi ang Pinay netter ng tatlong ITF doubles titles at isang ITF singles trophy.

Show comments