MANILA, Philippines — Sinimulan ng Magnolia ang misyon para makasampa sa quarterfinal round ng Season 49 PBA Commissioner’s Cup.
Humakot si import Ricardo Ratliffe ng 32 points at 14 rebounds para akbayan ang Hotshots sa 89-84 pagsibak sa Terrafirma Dyip kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Pinaganda ng Magnolia ang kanilang kartada sa 3-5 kasabay ng paghuhulog sa Terrafirma sa ilalim sa 0-9 marka.
Ito rin ang ika-20 sunod na pagkakataon na tinalo ng Hotshots ang Dyip simula noong 2016.
“I told the players that it’s a matter who wants it more,” sabi ni Magnolia coach Chito Victolero. “Because they are also backs against the wall, do or die situation din ang Terrafirma.”
Nagdagdag si Zav Lucero ng 17 markers, habang may 13 at 11 points sina Ian Sangalang at Jerom Lastimosa, ayon sa pagkakasunod.
Naging dikitan ang bakbakan kung saan walang koponan ang nakapagtala ng double-digit lead sa kabuuan ng laro.
Tinapos ng Hotshots ang first half bitbit ang 41-40 abante patungo sa 68-66 bentahe sa pagtiklop ng third quarter.
Ang jumper ni Stanley Pringle ang nagtabla sa Dyip sa 75-75 sa 6:26 minuto ng fourth period.
Muling naagaw ng Magnolia ang 82-75 kalamangan mula sa dalawang free throws ni Lucero, three-point shot ni Aris Dionisio at inside basket ni Ratliffe sa 4:03 minuto nito.
Huling nakadikit ang Terrafirma sa 84-87 sa natitirang 1:10 minuto galing sa ikalawang triple ni import Brandon Edwards.
Ang tirada ni Ratliffe sa nalalabing 29.3 segundo ang sumelyo sa pagbangon ng Hotshots mula sa 92-95 kabiguan sa Ginebra Gin Kings sa kanilang ‘Christmas Clasico’.
Pinamunuan ni Pringle ang Dyip sa kanyang 22 points, habang may 3 markers si Terrence Romeo sa una niyang laro matapos i-trade ng San Miguel Beermen.