MANILA, Philippines — Pinag-aaralan ng Cignal HD management ang legal action patungkol sa management contract nina outside hitter Ces Molina at middle blocker Riri Meneses.
Nagtapos na ang kontrata kina Molina at Meneses noong Disyembre 31, 2024.
“We are currently consulting our legal team to determine all possible courses of action regarding this material breach of both players’ contracts,” wika ng Cignal.
Base sa statement, sumulat sa Cignal ang Avior Talent Management na siyang humahawak kina Molina at Meneses noong Enero 6 upang tuldukan na ang lahat dahil plano ng dalawa na makapaglaro sa abroad.
Ngunit nilinaw ng Cignal na sinubukan nitong makipag-usap sa grupo nina Molina at Meneses para ma-renew ang kontrata ng dalawa subalit hindi sumasagot ang kampo ng dalawang players.
Hindi na rin sumipot sa ensayo ng HD Spikers sina Molina at Meneses sapul nang magbalik-training ang kanilang team ngayong linggo.
Kaya naman pinag-aaralan na ng pamunuan ng Cignal kung ano ang magiging aksiyon nito.
“Team management initiated renewal discussions via formal offers as early as October 2024. Unfortunately, both players have not responded to any communications and have ceased attending training since its resumption earlier this week,” ayon pa sa statement.
Wala pang tugon ang kampo nina Molina at Meneses sa pahayag ng Cignal.
Base naman sa patakaran ng PVL, hindi maaaring makalaro sina Molina at Meneses sa anumang PVL teams sa ginaganap na All-Filipino Conference dahil naka-lineup pa ang mga ito sa Cignal.
Maaaring lumipat sina Molina at Meneses sa ibang PVL teams subalit makalalaro lamang ito sa susunod na kumperensiya pa kung saan maaari na itong isama sa lineup ng kanilang bagong team.