Cavs tinapos ang ratsada ng Thunder

Ipinilit ni Cavaliers center Jarrett Allen ang kanyang layup kontra kay Thunder guard Shai Gilgeous-Alexander

CLEVELAND — Umiskor si Jarrett Allen ng 25 points at may 21 markers si Evan Mobley para gabayan ang Cavaliers sa 129-122 panalo at tapusin ang 15-game winning streak ng Oklahoma City Thunder sa upakan ng NBA top two teams.

Inilista ng Cleveland ang ika-11 sunod na arangkada para sa kanilang league best record na 32-4.

Nagdagdag si Darius Garland ng 18 points habang may 11 markers si leading scorer Donovan Mitchell mula sa malamyang 3-of-16 field goal shooting.

Muling binanderahan ni Shai Gilgeous-Alexander ang Oklahoma City, huling natalo noong Disyembre 1, sa kanyang 31 points kasunod ang 25 markers ni Jalen Williams.

Humakot si center Isaiah Hartenstein ng 18 points, 11 rebounds at 8 assists para sa Thunder na iniwanan ng Cavaliers sa 122-127 matapos ang 10-footer ni Mobley sa huling minuto ng fourth period.

Sa Milwaukee, kumamada si Damian Lillard ng 26 points at nagkuwintas si Giannis Antetokounmpo ng 25 points, 16 rebounds at 8 assists sa 121-105 paggupo ng Bucks (19-16) sa San Antonio Spurs (18-19).

Sa New York, bumira sina Karl-Anthony Towns at OG Anunoby ng tig-27 points sa 112-98 panalo ng Knicks (25-13) sa Toronto Raptors (8-29).

Sa Philadelphia, ipinasok ni Tyrese Maxey ang go-ahead basket sa huling 23.7 segundo at tumapos na may 29 points sa 109-103 pagdaig ng 76ers (15-20) sa Washington Wizards (6-29).

Show comments