MANILA, Philippines — Mapupuptol ang matikas na ratsada ni Gilas Pilipinas standout Kai Sotto matapos magtamo ng injury sa laban ng Koshigaya Alphas sa Japan B.League 2025 season.
Hindi pa nag-iinit ang 7-foot-3 Pinoy cager sa first quarter nang bumanat ito ng atake subalit masama ang naging bagsak nito dahilan para magtamo ng injury sa tuhod.
Kita sa mukha ni Sotto ang tindi ng sakit na naramdaman nito.
Tinulungan itong makabalik sa bench at hindi na muling nasilayan sa laro kung saan lumasap ang Alphas ng dikit na 77-79 kabiguan.
Nahulog ang Koshigaya sa 8-20 rekord para magkasya sa ika-20 posisyonsa standings.
Maganda ang inilalaro ni Sotto sa season na ito kung saan hawak nito ang averages na 13.8 points, 9.6 rebounds, 2.0 assists at 1.1 blocks kada laro.
Wala pang linaw kung gaano kalala ang tinamong injury ni Sotto.
Nakatakda pa namang sumalang ang Gilas Pilipinas sa FIBA Asia Cup Qualifiers sa Pebrero.