Valdez magiging susi ng Creamline para sa korona

Si Creamline team captain Alyssa Valdez sa aksyon sa PVL All- Filipino Conference. (PVL photo)
STAR/ File

MANILA, Philippines —  Sa pagpasok ng ba­gong taon ay handang-han­da na si Creamline team captain Alyssa Valdez na tulungan ang kanyang tropa na makamit ang inaasam na ika-11 korona sa Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.

Bahagyang hindi na­ging maganda ang taong 2024 para kay Valdez na sumailalim sa ilang buwan na rehabilitasyon dahilan para hindi ito masilayan sa ilang kumperensiya.

Kaya naman sa pag­babalik ng kaniyang ma­gandang kundisyon ay na­ngako si Valdez na gagawin nito ang lahat upang maka­tulong sa Cool Smashers.

Wala pa sa perkpektong kundisyon si Valdez ngunit handang muling rumatsada sa oras na kailanganin ito sa loob ng court.

“I’m here to help the team. I’m working hard para makabalik sa perfect condition,” ani Valdez.

Umaasa si Valdez na mas magiging healthy ito sa taong ito gayundin ang kaniyang mga teammates upang mas lalo pang maging matinik ang kanilang tropa sa mga susunod na laban nito.

Hangad ni Valdez na wa­la nang magtamo pa ng injury hindi lamang sa Creamline maging sa lahat ng teams na nasa PVL at sa lahat ng atletang Pilipino sa kabuuan.

“Sana wala nang ma-injure at maging healthy ang lahat ng athletes,” ani Valdez na isa sa tinitinga­lang atleta hindi lamang sa mundo ng volleyball kundi ma­ging sa kabuuan ng Philippine sports.

Solido ang lineup ng Cool Smashers dahil marami itong pambala sa outside hitter position — ang posisyon ni Valdez.

Ilan na rito sina MVPs Tots Carlos, Jema Galanza at Michele Gumabao na tunay na maaasahan din.

Ngunit handa si Valdez na tumugon sa oras ng pa­ngangailangan lalo pa’t sa­nay ito sa mga krusyal na sandali ng laban.

“Yung experience and leadership ni Alyssa sa team talagang nandoon. Kapag kailangan siya ng team parati siyang nandiyan para mag-deliver,” ani Creamline coach Sherwin Meneses kay Valdez.

Show comments