Junior Altas kampeon sa MPBL Season 2 18-Under National Finals

Hinirang na kampeon ang Perpetual Junior Altas-Palawan Yurich-Builder sa 18 under division ng Junior Maharlika Pilipinas League (MPBL) Season 2.

MANILA, Philippines — Inangkin ng Perpetual Junior Altas-Palawan Yurich Builder ang korona ng -18 Under division ng Junior Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Season 2 matapos talunin ang North division king Rizal Province Switch Fiber, 88-84, sa Game Two sa Altas Gym sa Pamplona III, Las Piñas City.

Kinumpleto ng Junior Altas ang 2-0 sweep sa kanilang best-of-three title series ng Rizal Province.

Kumamada si Louie Rosales ng game-high 29 points habang humakot si Lebron Jhames Daep ng 26 points, 11 rebounds, 2 assists, 2 steals at 3 blocks para sa Perpetual.

Nagdagdag si John Corpuz ng 11 markers kasunod ang 10 points ni TJ Tabbuan.

Pinangunahan ni Seann Franco ang Rizal Province sa kanyang tinapos na 19 points, 8 boards, 2 assists at 3 steals.

Ang back-to-back basket ni Daep ang nagbigay sa Junior Altas ng 86-84 kalamangan sa huling 26 segundo ng fourth quarter.

Nakakuha ng foul si Louie Rosales kay Axl Manansala ng Rizal Province sa natitirang dalawang segundo at ipinasok ang kanyang dalawang free throws para makuha ang 88-84 abante patungo sa pag-angkin sa titulo.

Samantala, sinikwat ng San Pedro Spartans ang 16-Under Division crown laban sa San Juan Mighty Warrior via overtime, 109-99, sa Game Two ng kanilang finals duel.

Kampeon naman ang Binan Tatak Gel sa 14-Under class kontra sa Rizal Switch Fiber, 82-68, para maging National Champion ng Jr. MPBL.

Show comments