MANILA, Philippines — Ang manalo sa isang komperensya sa Premier Volleyball League (PVL) ay pahirapan na, ano pa kung magreyna sa tatlong magkakasunod na torneo.
Ito ang nakamit ng Creamline sa pagiging kauna-unahang Grand Slam champions ng PVL.
Hindi rin ito naging madali para sa koponan ni head coach Sherwin Meneses dahil sa pagkakaroon ng injury nina key starters Alyssa Valdez at Tots Carlos at paglalaro ni Jema Galanza para sa Alas Pilipinas.
“Siyempre, sobrang saya namin na lalo na kami, ako. Hindi madali kunin tong Grand Slam pero nakuha namin,” ani Meneses sa pagkopo ng Cool Smashers sa korona ng 2024 All-Filipino Conference, Invitational Conference at Reinforced Conference kontra sa magkakaibang kalaban.
Sa kabuuan ay may 10 PVL titles na ang tropa ni Meneses.
Noong Mayo sa All-Filipino Conference Finals ay kinumpleto ng Creamline ang 2-0 title series sweep laban sa sister team Choco Mucho.
Kinilala si Galanza bilang Finals MVP, habang si Fil-Am Brooke Van Sickle ng Petro Gazz ang hinirang na conference MVP.
Hindi nakalaro sina Valdez, Carlos at Galanza para sa Cool Smashers sa sumunod na Reinforced Conference noong Setyembre.
Ngunit nagawa pa rin nilang talunin si import Oly Okaro at ang Akari Chargers, 25-15, 25-23, 25-17, sa kanilang one-game title showdown.
Inasahan ng Creamline sina American import Erica Staunton at Bernadeth Pons para pabagsakin ang Akari na nagposte ng 10-0 record papunta sa finals.
“Sobrang pahirapan din talaga bawat game, pero sobrang trinabaho namin everyday sa training pa lang,” ani Pons. “Sobrang ginusto namin na makuha itong championship na ito.”
Samantala sa Invitational Conference Finals ay tinakasan ng Cool Smashers ang Cignal HD Spikers, 21-25, 25-17, 20-25, 26-24, 15-13, sa kanilang one-game title showdown noong Setyembre.
Humataw si Staunton ng 29 points at nag-ambag ng 27 markers si Pons para sa panalo ng Creamline.
“Dalawang conference na magkasunod, so kailangan din talaga ng tulong,” wika ng nagbalik na si Galanza na tumipa ng 11 points.
Hinirang si Michele Gumabao bilang conference MVP habang iginawad kay setter Kyle Negrito ang Finals MVP trophy.
Kinumpleto ng Cool Smashers ang five-game sweep sa torneo sa pagdaig sa defending champion Kurashiki Ablaze ng Japan, Est Cola ng Thailand, Farm Fresh at Cignal.
Matapos ang Christmas break ay magpapatuloy ang 2025 PVL All-Filipino Conference sa Enero 18.