ORLANDO, Fla. — Umiskor si Tristan da Silva ng 18 points at kumonekta ng krusyal na three-point shot sa huling 9.9 segundo para tulungan ang Magic na talunin ang nagdedepensang Boston Celtics.
Nag-ambag si Trevelin Queen ng 17 points at may 16 markers si Jalen Suggs.
Bumangon ang Orlando (19-12) mula sa isang 15-point halftime deficit para resbakan ang Boston (22-7) na naglaro na wala ang may sakit na si Jayson Tatum.
Inilista ng Celtics ang 58-43 halftime lead bago nagdomina ang Magic sa third quarter at iposte ang 10-point advantage sa fourth period.
Pinamunuan nina Kristaps Porzingis at Derrick White ang Boston sa kanilang tig-17 points.
Sa Cleveland, bumanat si Darius Garland ng 23 points para akayin ang NBA-best Cavaliers (26-4) sa 124-113 pagpapatumba sa Utah Jazz (7-21).
Sa Philadelphia, bumira si Tyrese Maxey ng 32 points para banderahan ang 76ers (10-17) sa 111-106 panalo sa San Antonio Spurs (15-4).
Sa Chicago, umiskor sina Khris Middleton at Brook Lopez ng tig-21 points sa 112-91 paggiba ng Milwaukee Bucks (16-12) sa Bulls (13-17) kahit hindi naglaro sina Giannis Antetokounmpo at Damian Lillard.
Sa Miami, naglista si Bam Adebayo ng 23 points para tapusin ng Heat (14-13) ang three-game losing skid sa 110-95 pagsunog sa Brooklyn Nets (11-18).
Sa New York, humakot si Karl-Anthony Towns ng 31 points, 10 rebounds at 7 assists sa 139-125 pagdaig ng Knicks (19-10) sa Toronto Raptors (7-23).