MANILA, Philippines — Ipininta ng Rain or Shine ang ikaapat na sunod na panalo matapos talunin ang Terrafirma, 124-112, sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Itinaas ng Elasto Painters ang kanilang baraha sa 4-1 at ibinagsak ang Dyip sa 0-7.
“We got the stops that we needed at the crucial times. Then we got into our late game transition,” sabi ni coach Yeng Guiao na nakahugot kay import Deon Thompson ng 23 points, habang may 21 markers si Adrian Nocom.
Nagdagdag si Andrei Caracut ng 15 points at may 11 at 10 markers sina Leonard Santillan at Anton Asistio, ayon sa pagkakasunod.
Naging problema ng Rain or Shine ang post-up game ng Terrafirma kung saan kinuha nito ang 12-point lead, 37-25, sa first period.
“I thought the whole time na mag-struggle kami dito kung hindi namin mahanapan ng solusyon iyong prolema namin, iyong sa post game nila. Mabuti na lang na-stop namin at the right time,” ani Guiao.
Inagaw ng Elasto Painters ang first half, 66-62, ngunit nakabalik ang Dyip at inilista ang 80-71 bentahe sa 6:54 minuto ng third quarter.
Sa likod nina Nocom at Caracut ay nabawi ng Rain or Shine ang 110-108 bentahe sa 5:06 minuto ng fourth period.
Doon na natengga ang Terrafirma.
Isang 13-3 atake ang ginawa ng Elasto Painters para ibaon ang Dyip sa 123-110 sa 1:23 minuto ng laro.