Bucks dapa sa Cavaliers

Natakasan ni Cleveland Cavaliers guard Donovan Mitchell ang depensa ng Milwaukee Bucks.

CLEVELAND — Nagbagsak si Donovan Mitchell ng 27 points at may 16 markers si Darius Garland para gabayan ang Cavaliers sa 124-101 pagtuhog sa Milwaukee Bucks.

May 15 points si center Evan Mobley para sa home team na nagsalpak ng 20 three-point shots.

“We set the tone, offensively, defensively. K­nowing they had a long trip back we were trying to get going early, push the pace, and we did it for 48 minutes,” sabi ni Mitchell.

May 3-0 record ngayon ang Cleveland (24-4) sa kanilang salpukan ng Milwaukee (14-12) na hindi nakuha ang serbisyo ni All-Star guard Damian Lillard dahil sa isang strained calf.

Binanderahan ni Gian­nis Antetokounmpo ang Bucks, nagkampeon sa nakaraang NBA Cup laban sa Oklahoma City Thunder, sa kanyang 33 points at 14 rebounds.

Sa Miami, bumira si Jalen Williams ng season-high 33 points habang may 25 markers si Shai Gilgeous-Alexander sa 104-97 pagpapalamig ng Thunder (22-5) sa Heat (13-12).

Nagmula rin sa panalo ang Oklahoma City sa Orlando Magic kamakalawa.

Pinamunuan ni Tyler Herro ang Miami sa kanyang 28 points at 12 rebounds, samantalang ni­lisan ni star forward Jimmy Butler ang first quarter dahil masama ang pakiramdam.

Sa Philadelphia, buma­nat ang nagbabalik na si Joel Embiid ng 34 points para tulungan ang 76ers (9-16) sa 108-98 pagpapatumba sa bisitang Charlotte Hornets (7-21).

Nagdagdag si Embiid ng 5 rebounds, 9 assists, 2 steals at 2 blocked shots para sa Philadelphia.

Pinangunahan ni Vasilije Micic ang Charlotte sa kanyang 20 points.

Show comments