MANILA, Philippines — Hawak pa rin ni Istraelito Rilloraza ang top spot matapos makipaghatian ng puntos kay FM Austin Jacob Literatus sa sixth round ng PSC - NCFP Men’s Selection Chess Championship Grand Finals sa Quezon City.
Nakalikom ang 11th seed na si Rilloraza ng limang puntos matapos ang 40 moves ng Queen’s Gambit sa event na suportado ng Philippine Sports Commission at ng National Chess Federation of the Philippines.
Solo sa unahan si Rilloraza at nasa likuran niya ang tatlong tigasing woodpushers na sina top seed IM Michael Concio Jr., Literatus at FM Mark Jay Bacojo na may magkakatulad na 4.5 puntos.
Inaasahang mas matindi ang makakalaban ni Rilloraza sa seventh round dahil katapat niya si Concio, kalaban ni Literatus si IM Rolando Nolte, habang maghaharap sina Bacojo at Oscar Joseph Cantela.
Ipinagpag ni Concio si Antonio Chavez sa 73 sulungan ng English opening.
Mag-isa sa pang-limang puwesto si Olympiad veteran IM Ricardo De Guzman na nakipag-kasundo ng tabla kay John Merill Jacutina.
Sinalihan ng 14 mahuhusay na chessers sa Pilipinas ang nasabing event at ipinatutupad sa single round robin ang 90 minutes plus 30 seconds increment.